Mag-aalok ng libreng sakay ang grupong Manibela bukas kasabay ng gagawing “unity walk” ng Magnificent 7 sa Mendiola sa Maynila.
Ayon kay Mar Valbuena, presidente ng Manibela, magsasagawa sila ng libreng sakay sa Metro Manila at kalapit lalawigan para sa mga posibleng maapektuhan ng kilos protesta.
Kung tinututulan ng Magnificent 7 ang resolusyon ng Senado na suspendihin ang PUV Modernization Program, panawagan naman ni Valbuena sa Malacañang na aprubahan ang resolusyon ng Senado.
Bagama’t magkaiba sila ng posisyon at pananaw ng Magnificent 7, hindi umano nila sasabayan ang unity walk.
Sa panig ng Magnificent 7, lalahukan daw ng humigit-kumulang 5,000 hanggang 10,000 driver at operator ang unity walk na papuntang Mendiola. | ulat ni Rey Ferrer