Natapos na ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga guidelines na ipatutupad sa paghahain ng kandidatura para sa 2025 Midterm Elections.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, ilalabas na nila sa susunod na linggo ang mga magiging panuntunan para sa gagawing filing ng Certificate of Candidacy (COC).
Itinakda na rin ng COMELEC ang tent sa Manila Hotel bilang lugar ng pagdadausan para sa pagsusumite ng COC mula October 1 hanggang ang October 8.
Ang COC ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list ang kanilang tatanggapin sa Manila Hotel habang ang mga kongresista, alkalde, bise alkalde, at konsehal ng lungsod ay tatanggapin sa mga City Election Offices.
Ang COC naman ng mga kinatawan ng probinsya, gobernador, bise gobernador, myembro ng Sangguniang Panlalawigan ay gagawin sa mga Provincial Election Offices.
Ang kandidatura ng mga alkalde, bise alkalde, at miyembro ng Sangguniang Bayan ay ihahain sa mga Municipal Election Offices. | ulat ni Mike Rogas