Naniniwala si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel na hindi na magkakaroon ng pagpupuslit ng mga ASF infected na baboy.
Sa panayam sa kalihim sa Kamara sinabi ni Laurel na isa itong dahilan kung bakit tinaasan nila ang indemnification sa culling o pagpatay ng ASF infected na baboy.
Dati kasi aniya, ₱5,000 lang ang ibinibigay kada baboy na kailangang katayin, kaya may ilan na kahit may sakit ang baboy ay ipinupuslit dahilan para mas mabilis kumalat ang ASF.
Ngayon aniya ang halaga ng indemnification ay depende sa laki ng baboy.
Ang biik aniya, ay nasa ₱4,000; ₱8,000 para sa medium-sized; at para sa malalaki ay ₱12,000. | ulat ni Kathleen Jean Forbes