Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PDEG) ang dalawang drug suspek habang nasabat naman ang aabot sa halos ₱75 milyong halaga ng hinihinalang shabu.
Ito’y sa ikinasang drug buy-bust operations ng PDEG sa Brgy. 676 sa Ermita, lungsod ng Maynila kagabi.
Sa ulat na ipinarating kay PDEG Director, Police Brig. Gen. Eleazar Matta, kinilala lamang ang mga naaresto sa mga alyas na Jebrasol, 37-taong gulang at Rodel, 45-taong gulang.
Nakuha mula sa pag-iingat ng mga naaresto ang aabot sa 11 kilo ng hinihinalang shabu gayundin ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Nabatid na kabilang ang mga suspek sa isang malaking sindikato ng iligal na droga sa bansa na pawang pinamumunuan ng mga Chinese national.
Ikinakasa na ng mga awtoridad ang reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga naarestong drug suspect. | ulat ni Jaymark Dagala