Nanawagan ang Philippine Smoke-Free Movement kay Department of Education Secretary Sonny Angara na pagtuunan ng pansin ang tumataas na bilang ng kabataan na gumagamit ng vape at tobacco products.
Ang apela ay ginawa ni PSFM National Coordinator Rizza Duro, ngayong ipinagdiriwang ang International Youth Day.
Sinabi ni Duro na isa sa bawat pitong mag-aaral na edad 13-15 ang gumagamit habang isa naman sa bawat walo ang nagsisigarilyo.
Aniya, napakadaling makakuha ng vape products dahil nagkalat na ito sa mga online shop.
Kahit ipinagbawal na ito sa mga online market, nakakalusot pa rin ang vape products dahil gumagamit lamang ito ng ibang pangalan para maipagpatuloy ang pagbebenta.
Kailangan umano ng mas mahigpit na regulasyon sa mga produkto ng tobako at vape sa bansa upang masabing inuuna ang kapakanan ng kabataan. | ulat ni Rey Ferrer