Tumaas ang bilang ng mga lugar sa bansa na may aktibong kaso sa ngayon ng African Swine Fever (ASF) batay sa pinakahuling bulletin ng Bureau of Animal Industry.
Batay sa ulat, mula sa 251 barangay ay umakyat sa 458 o halos doble ang mga apektadong barangay mula sa higit 100 munisipalidad sa bansa.
Pinakamalaki pa rin ang bilang ng ASF active cases sa North Cotabato, na sinundan ng Occidental Mindoro at Batangas.
Nagkaroon naman ng bagong kaso ng ASF ang ilang lalawigan sa Northern Luzon gaya ng Nueva Vizcaya, Cagayan, at Isabela na dati ay negatibo sa ASF.
Paliwanag ni DA Asec. Dante Palabrica, inaasahan na ang pagtaas ng kaso ng ASF dahil mabilis talagang kumakalat ang sakit kapag tag-ulan.
Posible rin aniyang nakaapekto ang hindi maayos na pagbabaon ng mga baboy na infected ng ASF gayundin ang pagpupuslit ng mga baboy na nahawa nito sa mga checkpoint.
Kaugnay nito, pinabibilis naman na ng DA ang proseso nito para masimulan na ang bakunahan kontra ASF na target sa linggong ito. | ulat ni Merry Ann Bastasa