Tinatayang umabot na sa bilang na 5,484 na kabataang lalaki ang nakinabang na sa libreng tuli ng Lungsod ng Taguig magmula noong Hunyo hanggang Hulyo nitong taon.
Pinangungunahan ang nasabing inisyatiba ng Medical Affairs Office at City Health Office ng lungsod na bahagi na ng mga programa nito na nagsimula noong 2009.
Layunin umano nitong ihanda ang mga batang lalaki para sa pagbibinata lalo na sa lahat ng residenteng lalaki ng lungsod na edad anim na taong gulang pataas, na isinasagawa tuwing pagtatapos ng bawat taon ng pasukan.
Tampok din sa Taguig Libreng Tuli Program ang paggamit nito ng advanced laser cautery machines na tinitiyak na hindi masakit at mas mabilis ang paggaling ng tuli. Nakakatanggap din mga kalahok ng mga libreng antibiotics, pain relievers, at mga after-care kit.
At upang mas maging abot-kamay, isinasagawa ng Taguig LGU ang programa sa bawat barangay at pinangangasiwaan ng mga medical professional gaya ng mga doktor at nurse. Ayon din sa Taguig, walang limitasyon sa mga slot sa programa, kaya’t lahat ng mga interesadong residente ay maaaring makilahok.
Nakakatipid rin daw ang mga magulang ng bayad sa pagpapatuli mula P3,000 hanggang P8,000 dahil sa Libreng Tuli program na isinasagawa nito sa lungsod. | ulat ni EJ Lazaro