Tinatayang aabot sa 1,000 mga mangingisda mukl apektado ng oil spill ang nakinabang sa P6.125 milyon tulong mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD).
Sa isang seremonya sa Barangay West Capipisa, Tanza, Cavite na pinangunahan ni Labor Assistant Secretary Warren Miclat, kinatawan ni Secretary Bienvenido Laguesma, at DOLE CALABARZON Regional Director Atty. Roy Buenafe, kanyang pinangunahan ang pamamahagi ng mga sahod sa 1,178 mangingisda sa ilalim ng TUPAD program ng DOLE.
Tiniyak ni Assistant Secretary Miclat na handang tumulong ang DOLE sa mga manggagawang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad. Gayundin, ang mabilis na pagpapatupad ng TUPAD program sa rehiyon upang agad na matulungan ang mga apektadong komunidad.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mangingisdang si Michael Guinto, 37-anyos na mangingisda mula sa Tanza, sa natanggap niyang P5,200, na aniya’y makatutulong upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya habang bawal pa ang pangingisda.
Pinalawak din ng DOLE ang TUPAD program sa mga probinsyang naapektuhan ng kamakailang Bagyong Carina. | ulat ni EJ Lazaro