Kailangan ng Department of Education (DepEd) ng P750 billion para makapagpatayo ng dagdag na 150,000 na silid-aralan para makamit ang ideal ratio na 40 students sa bawat isang silid-aralan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kaugnay sa pagbubukas ng klase sa school year 2024-2025, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas na sa kanilang datos ay umabot ng 24 milyon ang nakapag-enrol sa mga public basic educational institution ngayong school year.
Katumbas ito ng 87% ng target nilang enrollment na 27.7 million.
Samantala, sa ngayon, ang classroom congestion naman ay naitala sa National Capital Region (NCR), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Region 4A.
Maituturing na congested ang mga silid-aralan kapag lagpas sa 45 ang estudyante sa bawat silid-aralan.
Nasa 2,128 na paaralan naman ang nagpapatupad ng double shifting ng klase habang 41 pa ang may triple shifting at 93 ang nagpapatupad ng combination. | ulat ni Nimfa Asuncion