Sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na dalawang taong hindi nabigyan ng pondo ang desilting at dredging operations ng ahensya sa mga major river basin ng bansa.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Bonoan na noong 2023 at 2024 ay nanghingi sila ng budget para sa maintenance at operations ng dredging equipment na nadatnan nila sa ahensya pero hindi ito naigawad.
Hindi rin aniya naibigay ang hinihingi nilang budget para sa mga bagong dredger.
Ang mga dredger na ito ang ginagamit sa paghuhukay sa mga ilog para maiwasan ang pag-apaw kapag may malakas na buhos ng ulan.
Ibinahagi rin ng kalihim na nang mag-take over sila sa DPWH ay nalaman nilang maraming taon nang walang ginagawang dredging at desilting operations sa mga pangunahing ilog sa bansa.
Dahilan para maging mababaw ang mga river bed at umaapaw ang mga ito kapag umuulan nang malakas.
Kaugnay nito, sinabi ni Senate Committee on Public Works Chairperson at Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na dapat busisiing mabuti at ikonsidera ang budget ng DPWH para sa desilting at dredging operations sa pagtalakay sa panukalang 2025 natiomal budget. | ulat ni Nimfa Asuncion