Mainit na sinalubong ng mga taga Tacloban ang kanilang Olympic bronze medalist na si Aira Villegas.
Maliban sa parada, bagong bahay na nagkakahalaga ng P6.5 million at bagong Mitsubishi expander ang ipinagkaloob ng Tingog Party-list at Office of the Speaker para kay Villegas na nanalo ng bronze sa 57kg women’s boxing category.
Ipinaabot ni Tingog Party-list Rep. Yedda Romualdez ang pagbati kay Villegas na nagdala ng karangalan sa Tacloban at buong Eastern Visayas.
Aniya, nagsisilbi ngayong inspirasyon si Villegas sa bagong henerasyon ng mga atleta sa kanilang rehiyon.
Kasabay naman nito ay kinilala din ng mag-asawang Romualdez ang nga atleta, magulang at coach mula Eastern Visayas na lumahok sa 2024 Palarong Pambansa.
Nabigyan sila ng tig-P10,000 sa pamamagitan ng AKAP program ng Department of Social Welfare and Development.
May dagdag insentibo rin mula sa mga Romualdez ang 26 na bronze medalists na may P7,000 bawat isa, 15 silver medalists na may P8,000 at 20 gold medalists naman, tig-P10,000. | ulat ni Kathleen Forbes