Kinilala ni Appropriations Vice Chair at Marikina Representative Stella Luz Quimbo ang contribution ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa nation building at pag agapay sa buhay ng mga mahihirap na kababayan.
Ito ang kanyang inihayag sa ginagawa ngayong deliberasyon ng House Appropriations Committee sa budget ng PCSO, ang unang ahensyang sumalang sa pagbusisi ng budget para sa taong 2025.
Ayon kay Quimbo, hindi matatawaran ang ginagawang pagtulong ng PCSO para sa healthcare service ng gobyerno kung saan mula sa medical equipment ng mga ospital at health center, pagtulong sa mga may sakit at may malubhang karamdaman, ayuda sa mga estudyante upang makapagtapos ng pag-aaral ay maagap din silang naghahatid ng relief operation tuwing may kalamidad.
Personal ding pinasalamatan ng lady solon ang PCSO sa mabilis na tulong sa Marikina kung saan labis silang sinalanta ng bagyong Carina.
Umaasa ang mambatatas, na sa paglago ng ekonomiya ay lalong lalakas at lalago ang PCSO upang masuportahan ang socio economic agenda ng administrasyong Marcos Jr. na sumasalamin sa “Bagong Pilipinas” na may malakasakit sa bayan. | ulat ni Melany Valdoz Reyes