Welcome para kay House Committee on Information and Communications Technology Chairperson at Navotas Representative Toby Tiangco ang inilabas na P3.68B budget ng DBM para sa nationwide rollout ng Free Public WiFi program.
Aniya sa pamamagitan ng pondo na ito ay umaasa siyang mapalawig ang access points para sa libreng wifi at maisaayos ang internet connection sa buong bansa.
Paalala pa ni Tiangco sa DICT na sa katatapos lang na SONA ng Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ay inilatag nito ang hangarin ng administrasyon na makamit ang digital transformation.
“Gusto natin susugan ang mga sinabi ni President Bongbong na kailangan tuloy-tuloy ang paglawak ng Free WiFi program, ang pagdami ng mga kabahayan na may internet access, at ang pagpapalakas ng kalidad ng koneksyon sa bansa. DICT’s role in achieving the goals set forth by President Bongbong is crucial and the committee will provide the necessary support as long as we see that the implementation of programs are conducted effectively,” aniya.
Hinikayat naman ng mambabatas ang DICT na isailalim sa review ang implementasyon ng ICT program sa bansa at kagyat na ayusin ang mga pagkukulang kung mayroon man.
Giit niya na para sa mga Pilipinong hindi na kayang gumastos pa sa WiFi plans, ang Free WiFi program ang nakapagsisiguro na hindi sila naiiwanan pagdating sa pangangailangan nila ng internet.
Kabilang sa nais malaman ni Tiangco mula sa DICT ang naging epekto ng programa sa pangkabuuang sitwasyon ng access to internet sa bansa.
Sa kasalukuyan mayroon nang 10 milyong unique user device ang nakakonekta sa WiFi program sa 13,462 access points.| ulat ni Kathleen Forbes