Magpapatupad ng iba’t ibang hakbang ang pamahalaan upang matugunan ang kakulangan sa classroom ng mga paaralan sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na sampung taon na ang nakakalipas, nasa 75,000 ang backlog sa classrooms sa bansa ngunit sa kasalukuyan, umakyat pa ito sa 159,000.
Isa sa mga nakikitang solusyon ng Department Education (DepEd) ang early procurement o iyong pagsasagawa ng pre-bidding para sa itatayong mga classroom, kahit wala pang budget.
“Kasi ginagawa natin in the past, saka lang uumpisahan iyan sa January kapag pasado na iyong budget. So ngayon, we want to fast track it. Siguro kapag alam na more or less may kasunduan na sa Congress na ito iyong pupondohan nila, this is the amount appropriated for this so and so number of classrooms, iyon ay… sana earlier than 3rd quarter ay maumpisahan na namin iyon pre-award.” —Sec Angara.
Ikalawa, ayon sa kalihim, ang pagbuhay sa Adopt a School.
Epektibo aniya itong paraan na pag-mobilize sa pribadong sektor, lalo’t mayroon itong kalakip na insentibo, o tax deduction sa kanilang income tax, na ilalaan para sa silid-paaralan.
“Iyon talaga, has been proven very effective in mobilizing the private sector kasi may insentibo siya doon – may tax deduction siya doon eh, mababawas niya sa kinita niya or sa income tax niya iyong ibibigay niyang classroom, iyong halaga noong ibibigay niyang classroom, so that’s one.” —Secretary Angara.
Isang paraan pa ang pagpapa-igting ng blended learning. At kabilang rin dito ang pagsisiguro sa internet access ng mga maga-aral.
“I-improve namin iyong blended learning kasi may nababalitaan nga kami, may eskuwelahan na once a week lang pumapasok iyong mga bata. So, paano naman iyon? Kung ganoon, dapat… at least, during the other days of the week, mayroon siyang maayos na blended learning setup.” —Secretary Angara. | ulat ni Racquel Bayan