Nais ng mga mambabatas na panagutin ang mga nasa likod ng pagpapalusot kay dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo na makalabas ng bansa.
Ayon kay Zambales Rep. Jay Khonghun, hindi makakalabas ng bansa si Guo kung walang opisyal ng pamahalaan na tumulong sa kaniya.
“Nakakalungkot at talagang dapat maimbestigahan at siyempre hindi naman talaga makakaalis yan kung walang nilangisan yan na mga opisyales ng ating pamahalaan, lalong lalo na (ang) Bureau of Immigration. Hindi rin kami, hindi rin ako naniniwala na walang alam ang Bureau of Immigration dahil siyempre sila yung ahensiya ng gobyerno nag babantay sa ating mga ports and airports. So sana dapat ito’y maimbestigahan at managot kung sino ‘yung mga taong may kasalanan dahil hindi tayo naniniwala na kayang gawin lang ni Alice Guo ‘yan na walang tulong, lalong lalo na sa mga tiwaling opisyal ng Bureau of Immigration.” sabi ni Khonghun.
Aminado naman si Lanao del Norte Rep. Khalid Dimaporo na dismayado siya na nakatakas si Guo.
Aniya, dapat matukoy kung nakalabas ba ng bansa si Guo gamit ang eroplano o barko.
“…it’s really disappointing that she was able to escape. So yes, heads must roll. Where did she escape? NAIA? Where did she escape? A private airport? Nagbangka ba siya? All of those things. We find out exactly how did she escape our country and heads must roll.” ani Dimaporo.
Para naman kay Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, maliban sa pagtukoy sa mga sangkot sa pagpapatakas kay Guo, mahalaga na malaman kung nasaan siya at maibalik na sa bansa.
Hirit pa niya na kung kailangan ang tulong ng iba pang bansa at ng interpol ay hingin ito.
“I think aside from looking at which officials may be complicit to this, siguro mas concern na ‘yung sa akin, Nasaan na siya ngayon? Kasi July pa iyong huling report…Pero pagkatapos no’ng Singapore na meet-up point nila ng pamilya niya, wala na(ng) makapagsabi (kung) nasaan na siya. So siguro ‘yun din ‘yung mahalaga(ng) tanungin natin, nasaan na si Alice Guo ngayon? Baka kailangan na rin po natin(g) hingiin ngayon iyong tulong ng ibang mga bansa patungkol po sa interpol, baka kailangan na mag-issue ng alert order para lang malaman, tingnan, nasaan na siya ngayon…at paano po natin siya maibabalik dito sa ating bansa.” ani Suansing. | ulat ni Kathleen Forbes