Pinasusumite kay dating Presidential Spokesperson Harry ang ilang mga dokumento sa isinasagawang 2nd joint hearing ng Quad Committee ng Kamara.
Sa interpellation ni Batangas Rep. Jinky “Bitriks” Luistro, hiniling nito sa Quad Committee Chair na isumite ng dating Malacañang official ang kanyang Statement of Assets and Liabilities and Net Worth (SALN) ng 2016-2022, audited financial statement ng BIancham, deed of sale ng lupa na pagmamay-ari ni Roque, mode of transfer para sa trust agreement ng Biancham, at income tax return ng 2018-2019.
Ang Biancham ay ang kumpanya na pagmamay-ari ng pamilya ni Roque at ilang incorporators na ngayon ay nasa joint hearing.
Inusisa din ng Batangas solon ang incorporation ng Biancham Corporation at ang biglang taas ng cash assets ng kumpanya mula 2014 na nasa P125,000 hanggang P67 milyon noong 2018.
Dahilan ni Roque, nagbenta ng lupa ang kaniyang pamilya sa Parañaque na nagkakahalaga umano ng P215 milyon.
Ayon kay Committee Chair Ace Barbers, mahalaga na maisumite ang mga naturang dokumento para sa kanilang isinasagawang imbestigasyon sa POGO. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes