Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ngayong hapon ang isang illegal recruitment firm na nagpapanggap umano na travel agency sa Mandaluyong City.
Sa isinagawang entrapment at closure operation ng DMW- Migrant Workers Protection Bureau at Mandaluyong PNP, naaresto ang dalawang babaeng empleyado ng Thrifty International Travel and Tours Inc. na nag-aalok ng trabaho sa Japan.
Sa panayam kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, sinabi nitong nag-alok ng trabaho sa mga operatiba ng DMW ang dalawang suspek bilang household worker sa Japan na may sweldong P60,000 kada buwan at naniningil ng P120,000 na processing fee.
Bukod dito, mayroon din aniyang alok na trabaho sa Japan na construction worker at naniningil naman ng P150,000 para maproseso ang kanilang mga dokumento. Ito raw ay direct hire at hindi na kailangan na mag-aral ng Nihongo.
Sinabi ni Secretary Cacdac, na ito ay iligal dahil wala silang recruitment license mula sa DMW.
Patuloy naman ang paalala ng DMW sa mga Pilipinong nagnanais magtrabaho sa ibang bansa, na maging mapanuri at huwag pumatol sa mga hindi lisensyadong recruitment agency. | ulat ni Diane Lear