Bumilis ang inflation o galawan ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa nitong Hulyo.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, naitala sa antas na 4.4% ang July headline inflation mula sa 3.7% inflation rate sa bansa noong Hunyo.
Dahil dito, ang average inflation mula Enero hanggang Hulyo ay nasa antas na 3.7%.
Paliwanag ng PSA, ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation ay ang mas mabilis na pagsipa ng presyo ng kuryente at LPG.
Sinundan ito ng mas mabilis na pagtaas sa presyo ng food at non-alcoholic beverages na nasa 6.4% inflation.
Partikular dito ang presyo ng manok, saging, at isda.
Nakaambag din sa inflation ang mabilis na galaw sa presyo ng gasolina at diesel.
Sa National Capital Region (NCR) naman, bumilis rin sa 3.7% ang July inflation mula sa 3.1% noong Hunyo bunsod ng pagtaas ng inflation sa kuryente.
Habang bumilis rin sa 4.6% ang inflation sa labas ng Metro Manila. | ulat ni Merry Ann Bastasa