Martes na pero tila mala-Lunes pa rin ang sitwasyon ng trapiko sa bahagi ng Marcos Highway sa Marikina City.
Pero para sa mga tsuper ng jeepney na pumapasada rito, magandang pagkakataon ang ipinatupad na bigtime rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo para madagdagan ng kanilang kita.
Sa pagtatanong ng Radyo Pilipinas sa ilang mga tsuper ng jeepney, sinabi ng mga ito na kanilang sasamantalahin ang murang presyo ng krudo na mistulang bawi mula sa bigtime oil price hike na ipinatupad noong isang linggo.
Ayon sa mga tsuper, malaking tulong ang ipinatupad na rollback para madagdagan ang kanilang biyahe na magreresulta naman sa dagdag kita.
Epektibo ngayong araw, ₱1.90 ang bawas presyo sa kada litro ng diesel, ₱1.15 naman ang bawas-presyo sa kada litro ng gasolina, habang ang kerosene ay mayroong ₱1.85 na tapyas presyo.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang malakihang rollback ay bunsod ng huminang global demand, pag-usad ng usapin sa ceasefire sa Gaza, at production recovery support mula sa Sharara Oil Field sa Libya. | ulat ni Jaymark Dagala