Nilagdaan ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) ang isang memorandum of understanding kasama ang Filipino Inventors Society (FIS) upang palakasin ang suporta para sa mga lokal na imbentor sa pagprotekta at pag-commercialize ng kanilang mga intellectual property.
Pinirmahan ang nasabing kasunduan nina IPOPHL Director General Rowel Barba at FIS President Dr. Ronald Pagsanghan na may layuning bigyan ng kapangyarihan ang mga imbentor sa pamamagitan ng pagbibigay ng IP expertise, teknikal na tulong, at mas matibay na ugnayan sa merkado.
Bubuo rin ang IPOPHL ng registry ng mga imbentor at kanilang mga patent, habang nangako ang FIS na palalakasin pa ang kamalayan sa IP sa kanilang mga miyembro.
Itinuturing din ang pakikipagtulungang ito na isang mahalagang hakbang sa pagpapalago ng inobasyon sa bansa at maaaring makatulong sa Pilipinas na umangat sa Global Innovation Index ranking pagsapit ng 2028. | ulat ni EJ Lazaro