Hinamon ng National Task Force to End the Loca Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) si Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel na humarap sa pagdinig ng Senado.
Ito’y kasunod ng imbitasyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kay Rep. Manuel, para magpaliwanag ukol sa umano’y pagkakadawit ng kongresista sa terrorist grooming at recruitment ng mga estudyante para sumapi sa New People’s Army.
Sa pulong balitaan, sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr., na ito ay magandang pagkakataon para kay Manuel upang linisin ang kanyang pangalan, kung wala siyang kinalaman sa nangyayaring recruitment activity ng NPA sa mga paaralan.
Sinabi naman ni NTF-ELCAC Strategic Communications Cluster Chair Assistant Director General Jonathan Malaya, na karapat-dapat lang na malaman ng publiko ang katotohanan.
Nanawagan naman ang NTF-ELCAC sa mga school administration sa bansa na suportahan ang pagdinig sa Senado na ang layon ay magkaroon ng lehislasyon upang maiwasan ang terrorist grooming sa mga kabataan. | ulat ni Leo Sarne