Balik na sa regular na class schedule ang mga estudyante sa Caloocan at Navotas City ngayong araw.
Wala na kasing anunsyo ng class suspension sa dalawang lungsod bunsod ng epekto ng smog.
Ayon sa anunsyo ni Caloocan Mayor Along Malapitan, ”fair air quality index” na ang nararanasan sa lungsod kaya nagrekomenda ang City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) na ituloy na ang klase.
Batay rin sa abiso ng Navotas LGU, may pasok na ang mga estudyante ngayon dahil ayon sa PHIVOLCS, local pollutants, hindi volcanic smog o vog ang dahilan ng mabababang kalidad ng hangin sa Metro Manila.
Magkakaroon naman ng pinaikling oras ng face-to-face classes sa Tanza Elementary School dahil sa high tide.
Samantala, suspendido naman ang face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Malabon ngayong araw.
Ito ay bunsod ng pagkasira ng Dampalit Tide Control Gate Structure sa Kaylanan Creek, Doña Juana Flood Gate sa Brgy. Dampalit at inaasahang pagtaas ng tide level na aabot pa rin sa 1.90 metro. | ulat ni Merry Ann Bastasa