Inatasan na ni House Speaker Martin Romualdez ang apat na komite sa Kamara na magsanib pwersa para sa komprehensibong pag-iimbestiga sa kaugnayan ng iligal na droga, POGO at iba pang krimen.
Sa pulong balitaan matapos mag-ikot ang mga House leaders sa POGO hub na Zun Yuan sa Bamban, Tarlac at Lucky South 99 sa Porac, Pampanga, kinilala ng mga mambabatas ang malalim at malawak na ugnayan ng operasyon ng POGO at iligal na droga.
Ayon kay Speaker Romualdez, isang resolusyin na ang binubuo para sa pagkakaroon ng joint committee na tututok sa isyu.
Paliwanag ni Committee on Public Order and Safety chair Dan Fernandez, may mga usapin ukol sa POGO na hindi na sakop ng kaniyang komite gaya ng droga at human rights violation.
Sa panig naman ni House Committee on Dangerous Drugs chair Robert Ace Barbers, naniniwala sila na mayroong criminal organization na kumikilos sa bansa kaya mahalaga na magsama-sama na ang mga komite sa pagsisiyasat.
Kabilang sa planong joint committee ang komite ni Fernandez at Barbers kasama ang Committee on Human Rights ni Manila Rep. Bienvenido Abante.| ulat ni Kathleen Forbes