Agad nagpaabot ng pagbati si House Appropriations Committee Chair at Ako Bicol party list Rep. Elizaldy Co kay Carlos Yulo matapos nitong masungkit ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa 2024 Paris Olympics.
Aniya ang ipinakitang dedikasyon ni Yulo ay hindi lang magsisilbing inspirasyon sa mga Pilipino ngunit siya ring dahilan ng karangalang dala niya para sa bayan.
“I extend my heartfelt congratulations to Carlos Yulo for securing the first Olympic gold medal for the Philippines at the Paris 2024 Olympic Games. His dedication and hard work have brought immense pride to our nation. Carlos has shown that with determination and resilience, Filipinos can excel and achieve greatness in any field.” ani Co.
Napatunayan din aniya ni Yulo na kayang makipagsabayan ng mga Pilipino sa buong mundo.
Pinatuyan aniya ni Yulo na kapag may sipag at tiyaga, walang imposible.
Bilang pagkilala sa makasaysayang tagumpay na ito, may P3-million na reward na ibibigay ang Kamara kay Yulo bilang suporta sa kaniyang patuloy na tagumpay.
Nagpaabot din ng pagbati si Manila Rep. Joel Chua kay Yulo na kapwa niya Manileño.
Labis aniya ang kanilang kagalakan, nang masungkit ni Yulo ang unang puwesto sa men’s artistic gymnastics floor exercise sa Olympics.
Plano aniya nilang maghanda ng hero’s welcome sa Maynila sa kaniyang pagbabalik bansa.
Maging si OFW partylist Rep. Marissa Magsino, ipinagmalaki ang karangalang bigay ni Yulo sa Pilipinas.
“Carlos Yulo is the epitome of hardwork, perseverance, and positive outlook. His gold medal in the Olympics brings so much pride to every Filipino. We congratulate Carlos Yulo for such honor to the country!” sabi ni Magsino. | ulat ni Kathleen Forbes