Matapos ang mainit na pagsalubong sa pagbabalik bansa ng ating mga atleta na sumabak sa 2024 Paris Olympics sa Malacañang, isang Congressional Reception din ang inihanda ng Kamara para sa kanila.
Dito pormal na iaabot ang mga resolusyon at pagkilala sa Filipino athletes na kumatawan sa Pilipinas sa katatapos lang na Olympic Games.
Kabilang dito ang Congressional Medal of Distinction para kina Bronze Medalists Nesthy Petecio at Aira Villegas at ang Congressional Medal of Excellence para naman kay Double Gold Winner Carlos Yulo.
Dito rin iaabot ang cash gifts para sa ating mga atleta.
Bilang pagkilala naman sa tagumpay ng mga Pilipinong atleta na nanalo sa Olympics itinutulak ni Speaker Martin Romualdez ang pagbibigay ng mga benepisyo sa mga ito gaya ng lifetime pension.
Kaya naman pinarerepaso nito ang Republic Act 10699 o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act” upang malaman kung kailangan na itong amyendahan.
“Nais din nating amyendahan ang RA 10699 upang mapabuti at mapataas ang mga benepisyo para sa ating mga pinararangalang atleta at kanilang coaches,” sabi ng lider ng Kamara.
Ayon kay Speaker Romualdez, kukunin ng Kamara ang saloobin ng mga atletang Pilipino gayundin ang kanilang mga coach sa pagtalakay sa panukala. | ulat ni Kathleen Jean Forbes