Lusot na sa Kamara ang panukalang batas na magpapataw ng parusa sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang mga abogado.
Salig sa House Bill 10691, papatawan ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong o multa na P100,000 hanggang P5 million o parehas ang mga indibidwal na hindi naman miyembro ng Philippine Bar ngunit sangkot sa unauthorized practice of law.
Kasama rin sa parusa ang absolute disqualification sa paghawak na ano mang posisyon sa gobyerno.
Sa ilalim din ng panukala, sapat nang ebidensya ang pagkakaroon ng fake, counterfeit, o tampered identification card na pinalalabas na inisyu ng Supreme Court o Integrated Bar of the Philippines.
Ayon naman kay Speaker Martin Romualdez na isa ring abogado, umaasa sila na sa pamamagitan ng panukalang ito ay matitigil na ang panloloko at misrepresentation sa pagkamit ng hustisya at mapalakas ang kumpiyansa ng taumbayan sa legal profession at justice system.
“House Bill No. 10691 hopes to significantly abate instances of fraud, misrepresentation, and deceit that undermine the proper administration of justice. With this proposed law, we hope to strengthen the trust and confidence of the public not only in the legal profession but more importantly the justice system,” ani Speaker Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes