Dalawang overseas filipino workers (OFWs) ang nasawi sa Saudi Arabia ayon kay Senate Committee on Migrant Workers chairman Senador Raffy Tulfo.
Sa naging pagdinig ng Senado ngayong araw, pinangalanan ni Tulfo ang OFW na nadawi na sina Jelyn Arguzon na hindi pa malinaw ang dahilan ng pagkasawi habang si Riolyn Sayson naman ay sinasabing namatay dahil sa cardiac arrest o atake sa puso.
June 16 lang nagsimulang magtrabaho sa Jeddah, Saudi Arabia si Jelyn at noong July 19 ay namatay na ito sa bahay ng kanyang employer dahil umano sa natural causes base sa autopsy na ginawa sa Saudi.
Pero ayon sa asawa ni Jelyn, noong unang linggo ng Hulyo pa lang ay hindi na nila ito makontak.
Sinabi naman ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Han Leo Cacdac na hindi tinatanggap ng gobyerno ng Pilipinas ang cause of death ni Jelyn.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na isasailalim muli sa autopsy ang mga labi ni Jelyn pagkauwi dito sa Pilipinas.
Sa ngayon ay pinoproseso na ang pagbabalik sa Pilipinas ng mga labi ni Jelyn.
Handa naman ang DFA na hilingin sa Saudi authorities na imbestigahan ang posibilidad ng pagkakaroon ng foul play sa kaso ni Jelyn.
Sa kaso naman ni Riolyn Sayson, ang isa pang OFW na namatay sa Saudi, sinabi ni Tulfo na July 15 nang tumawag si ito sa kaniyang asawa na si Elberto Sayson at nagreklamo ng paninikip ng kaniyang dibdib at kinabukasan ay namatay ito dahil sa cardiac arrest.
Sa pagdinig ng Senado napagsabihan ni Tulfo ang recruitment agency ni Riolyn dahil una na palang humingi ng tulong sa kanila si Riolyn pero hindi nila ito pinansin.| ulat ni Nimfa Asuncion