Kumpiyansa ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na malalagpasan nila ang kanilang target ngayong taon.
Sa pagharap ng PCSO sa budget deliberation sa Kamara, sinabi ni Assistant General Manager Lauro Patiag, sa loob lamang ng anim na buwan ng 2024 nasa P30.9 billion na ang sales ng PCSO habang ang target nila na para sa 2024 ay nasa P65 billion.
Para sa taong 2023, nalagpasan din ang target sales ng PCSO ng 13 percent na nasa P61.4 billion.
Kasabay ng mataas na kita ng PCSO, tumataas din ang contribution nito sa revenue allocation ng gobyerno kung saan nasa P42.4 billion mula taong 2021 hanggang 2023.
Maging ang kanilang financial assistance contribution subsidy ay inaasahang tataas.
Sinabi ni PCSO Chairperson Justice Felix Reyes, nakatakda pa nilang ilunsad ang isa pang klase ng lotto ang “lotto bilyonaryo” upang madagdagan pa ang kanilang kita, at magpapataas ng kanilang contribution sa gobyerno.
Pinag-aaralan din nila ang iba pang negosyo kung saan makaka-partnetr nila ang ilang corporate owned chains of business para sa kanilang betting platform. | ulat ni Melany Valdoz Reyes