Nanawagan ngayon si Bicol Saro Party-list Representative Brian Yamsuan sa mga lokal na pamahalaan at Bureau of Fire Protection na magsagawa ng komprehensibong inspeksyon sa lahat gusali sa buong bansa.
Kasunod na rin ito ng malagim na sunog sa Binondo kung saan 11 katao ang nasawi.
Itinutulak din ni Yamsuan ang agarang pagsasabatas ng panukalang New Building Act, na layong palitan na ang makalumang National Building Code at magkaroon ng mas istriktong panuntunan sa disenyo, konstruksyon, at maintenance ng mga gusali para matiyak ang kaligtasan ng occupants mula sa sunog at iba pang sakuna.
“Napakalungkot ang trahedyang nangyari sa Binondo at tayo ay nakikiramay sa pamilya ng mga nasawi sa sunog. Hindi dapat ipagwalambahala ang kaligtasan lalo na pagdating sa pagpapatayo ng anumang istruktura…We are urging all LGUs to conduct regular inspections of buildings, especially old structures, in coordination with the local offices of the BFP to ensure that these are safe for all occupants,” ani Yamsuan.
Nakapaloob din sa naturang panukala ang mandatory assessment sa lahat ng istraktura na higit 15 taon na ang tanda.
Ang sunog sa Binondo ang sinasabing pinakamalagim na sunog sa Metro Manila mula nang masunog ang Kentex factory sa Valenzuela noong 2015 kung saan 74 katao ang nasawi. | ulat ni Kathleen Forbes