Arestado ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Koreano sa Cebu na sinasabing sangkot umano sa telecommunications fraud sa South Korea.
Kinilala ang pugante na si Kang Hyeunok, 32-anyos, na wanted sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa telco fraud.
Ayon sa BI, nahuli si Kang ng mga operatiba sa Mactan, Lapu-Lapu City noong Agosto 14, matapos ipalabas ang isang kautusan ng deportasyon para dito noong Oktubre 2021.
Ibinunyag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na overstaying na si Kang sa Pilipinas nang mahigit apat na taon, mula nang dumating siya noong Hulyo 2019. Isang red notice mula Interpol na rin ang naka-issue laban kay Kang kasunod ng isang warrant na inilabas ng Suwon District Court sa Korea.
Doon, inaakusahan si Kang na pinamunuan ang isang voice phishing syndicate na nakapanloko ng mga biktima ng mahigit $840,000 simula 2017.
Kasalukuyang nakakulong si Kang sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportasyon. | ulat ni EJ Lazaro