Naiuwi na sa kanilang mga mahal sa buhay ang labi ng tatlong nasawing biktima mula sa tumaob na mga motorbanca sa Munisipyo ng Looc, Romblon, araw ng Huwebes, August 29, ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).
Habang kahapon naman, August 30, ay dinala naman sa ng BRP Kalanggaman (FPB-2404) ang siyam na nakaligtas mula sa insidente magmula sa San Jose, Romblon patungo sa Caluya, Antique bandang 10:30 ng umaga habang ang isa pang survivor ay kinuha naman ng kanyang mga kamag-anak.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pinagsamang Search and Rescue (SAR) operations na isinasagawa ng PCG, PNP-Maritime Group, at MDRRMO upang mahanap pa rin ang pitong pasaherong nawawala hanggang sa ngayon.
Maaalalang noong Lunes ng umaga, umalis ang dalawang motorbanca – ang MBCA Ure Mae at isang hindi pinangalanang bangka – mula Boracay Island patungo ng Caluya, Antique. Sinasabing tumaob ang mga nasabing bangka dahil sa masungit na lagay ng panahon na sinabayan pa ng malalaking alon.
May kabuuang 20 pasahero ang mga nasabing bangka, kasama ang mga kapitan nito. | ulat ni EJ Lazaro