Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang isang lalaking natagpuang nakahandusay sa eastbound lane ng Ortigas Avenue panulukan ng Lanuza Avenue sa Pasig City ngayong umaga
Ito’y ayon sa Pasig Traffic matapos mabiktima ng hit-and-run ang naturang lalaki na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
Batay sa impormasyon, biglang humiga ang naturang lalaki na may bitbit na foam sa gitna ng kalsada dakong mag-a-alas-5 ng umaga kanina.
Dahil madilim pa, hindi napansin ng isang pribadong kotse ang naturang lalaki at nasagasaan ito.
Agad namang rumesponde ang mga pulis gayundin ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at nilagyan na ng harang ang katawan ng duguang lalaki upang hindi na magdulot pa ng lalong pagbigat ng trapiko.
Kasalukuyan nang inaalam ng mga awtoridad ang plaka ng naturang kotse batay sa kuha ng CCTV sa lugar upang agad itong mapanagot sa batas. | ulat ni Jaymark Dagala