Kinumpirma ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nagkasa ng contact tracing ang LGU kasunod ng naitalang panibagong kaso muli ng Mpox sa bansa.
Ayon sa alkalde, ang natukoy kaseng pasyente na isang 33-taong gulang na lalaki na taga-Metro Manila, ay nagtungo sa dalawang establisyimento sa Quezon City.
Kabilang dito ang isang massage spa sa E. Rodriguez, QC na binisita nito noong Aug. 11 at isang derma clinic kung saan nagpacheck up ito noong Aug. 15.
Nakasama sa target ng contact tracing ang 41 indibidwal kabilang ang empleyado ng spa at ng derma clinic. Pito rito ang residente ng QC.
Ipinasara na rin ng LGU ang spa dahil sa kabiguang magpaparenew ng mayors permit at sanitary permit.
Bilang bahagi rin ng containment measures ay isinailalim na sa quarantine ang mga naging close contacts ng MPox patient.
Ayon sa QC Health Department, nakakabahala ito lalo pa’t napagalamang tumanggap ang pasyente ng ‘intimate service’ sa spa na kanyang pinuntahan.
Una nang sinabi ng DOH na naipapasa ang mpox sa pamamagitan ng close at intimate contact.
Hinikayat naman ng LGU ang publiko na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na pagamutan kung may nararamdamang sintomas ng mpox. | ulat ni Merry Ann Bastasa