Nagpulong sa unang pagkakataon ang mga lider ng nangungunang political party sa bansa bilang paghahanda sa 2025 midterm elections.
Sa ilalim ng pamumuno at gabay ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nagsama sama ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), at National Unity Party (NUP) sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
Pinangunahan naman ni Speaker Martin Romualdez na siyang presidente ng Lakas-CMD ang diskusyon na sumentro sa pagpapatibay ng kanilang pagkakaisa, pag-iwas sa internal conflict at pagtiyak sa istratehiya ng koalisyon para sa May 2025 elections.
Paalala naman niya na higit sa pagiging planning session ito ay napapahayag ng iisang hangarin para sa ikabubuti ng taumbayan.
Pagkakataon din aniya ito na hindi lang basta suportahan ang mga programa at proyekto ng Pang. Marcos ngunit tiyaikin na maisakatuparan ito.
“Our unity is our strength, and today we solidify that bond to ensure that our vision for a better Philippines will continue to be realized. We are here not only to support the programs and projects of President Marcos but also to help realize his vision of unity towards lasting peace and prosperity for all.” Saad niya.
Sabi pa ng House Speaker Romualdez hindi lang sila dapat magkaka-alyansa sa pangalan ngunit maging iisa rin sa mga adhikain na magsilbi sa bayan nang may integridad, kalakasan at walang pag-iimbot.
Bahagi ng pulong mula PFP si Special Assistant to the President Antonio “Anton” Lagdameo Jr., Executive Vice President ng partido at si South Cotabato Gov. Reynaldo S. Tamayo, party-president.
Maliban kay Speaker Romualdez, kumatawan sa Lakas-CMD sina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, na party executive vice president.
Para sa NP ay dumalo si Sen. Mark Villar. At para naman sa NPC ay si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na party chairman.
Si Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund “L-Ray” Villafuerte naman ang dumalo para NUP na siyang pangulo ng partido. | ulat ni Kathleen Forbes