Nangako si Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na tututukan ang paglalaan ng sapat na pondo sa lahat ng mga regional office ng ahensya.
Ito’y kasunod ng pagbisita ng LTO chief sa Zamboanga Peninsula Region kung saan nakita nito ang pangangailangan na paigtingin ang presensya ng LTO sa rehiyon.
Ayon kay Mendoza, nais nitong masiguro na maibibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng frontline service offices ng LTO upang higit pang mahikayat ang mga kawani na magtrabaho nang mas mahusay.
Kailangan umano ito para masigurong higit pang mapapabuti ang mga serbisyo ng gobyerno sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Dagdag pa nito, malaking bagay ang pagkakaroon ng sapat na budget allocation para tumaas ang morale ng lahat ng kawani ng LTO. | ulat ni Merry Ann Bastasa