Nagsagawa ng sorpresang inspeksyon ang Land Transportation Office (LTO) sa mga motorcycle vehicles dealer na may hindi naipamahaging mga plaka sa mga may-ari nito.
Ito’y kasunod ng inilabas na direktiba ng LTO na No Plate, No Travel at ang pagpapabilis ng prosesso ng mga plaka ng mga bagong sasakyan sa bansa.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza, nasa 600 pares ng mga plaka ang nananatiling hindi naipamahagi sa mga kliyente nito.
Sa kanyang pagbisita sa isang car dealer sa Quezon City, narinig ni Asec. Mendoza ang panig ng car dealer kung bakit nananatiling hindi naipapamahagi ang mga plaka.
Sa kamakailang pag-aaral, napag-alaman na ilan sa mga motorista ay hindi na interesadong kunin ang kanilang mga plaka dahil kaya pa rin nilang bumiyahe kahit wala ito.
Muli namang siniguro ni Asec. Mendoza sa publiko na mas mabilis na ang pagkuha ng plaka at halos nai-deliver na nila ang backlogs na plaka upang maipatupad nila ang No Plate, No Travel policy ng LTO. | ulat ni AJ Ignacio