Magna Carta for Barangays, pinaplantsa na ng Kamara

Facebook
Twitter
LinkedIn

Isinasapinal na ng Kamara ang panukalang batas na maglalatag ng komprehensibong benepisyo at suporta para sa mga opisyal ng barangay.

Sa pagharap ni House Speaker Martin Romualdez sa National Convention ng Liga ng mga Barangay, sinabi ng lider ng Kamara na target nilang makapagpasa ng Magna Carta for Barangays.

Ito ay bukod pa sa panukala na gawing anim na taon ang termino ng barangay officials at tulungan silang makapagparehistro at maging miyembro ng SSS.

“Nais ko ring ipahayag na kahit abala tayo sa mga hakbangin na ito, hindi pa rin natin pinapabayaan ang pangarap nating magkaroon ng Magna Carta for Barangays. Sa panukalang ito, layunin natin na gawing komprehensibo ang mga benepisyo at suporta na ibinibigay natin sa mga barangay officials,” ani Speaker Romualdez.

Hinikayat din niya ang mga opisyal ng barangay na makibahagi at tumulong sa pagbuo ng naturang magna carta upang maikonsodera ang kanilang mga pananaw.

“Umaasa ako na magiging katuwang namin kayo sa pagbubuo ng batas na ito. Hinihikayat ko kayong lahat na magpasa ng mga position papers at ipagpatuloy ang ating ugnayan upang masigurong maisama ang inyong mga kahilingan sa panukalang ito,” saad niya.

Muli ring kinilala ng House Speaker ang mahalagang papel ng mga opisyal ng barangay lalo na sa pagpapaunlad ng mga komunidad. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us