Nagbigay ng update si Finance Secretary Ralph Recto tungkol sa itinatakbo ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na siyang may hawak ng Maharlika Investment Fund.
Sa pagpapatuloy ng briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), sinabi ni Recto na inaasahang sa loob ng taong ito ay innasahang makapagsisimula nang makapag-invest ang MIC.
Ipinaliwanag ni Recto na gaya ng ibang mga start-up o nagsisimula pa lang na mga kumpanya ay kailangan ng panahon para matukoy ang mga bubuhusan nila ng investment.
Mula aniya nang maisabatas ang pagbuo ng MIF ay nasa anim hanggang pitong buwan pa lang nag-ooperate ang MIC.
Ayon kay Recto, sa ngayon ay kumpleto na ang board ng MIC na binubuo ng Development Bank of the Philippines (DBP), Landbank, Department of Finance (DOF) at pribadong sektor.
Nakahanap na rin aniya sila ng opisina pero naghahanap pa ngayon ng mga empleyado at inaayos pa ang mga ipapasweldo sa mga magiging empleyado ng MIC.
Nilinaw rin ng kalihim na walang ilalaang pondo para sa Maharlika fund sa ilalim ng panukalang 2025 national budget.
Naka-invest na rin aniya ngayon ang ₱75 billion na seed fund ng MIF sa national treasury na nagmula sa landbank at sa DBP at ang interes nito ang gagamitin sa magiging operasyon ng MIC. | ulat ni Nimfa Asuncion