Nagbigay ng update si Finance Secretary Ralph Recto tungkol sa tinatakbo ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na may hawak ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Sa pagpapatuloy ng briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), sinabi ni Recto na inaasahang sa loob ng taong ito ay inaasahang makapagsisimula nang makapag invest ang MIC.
Ipinaliwanag ni Recto, na gaya ng ibang mga start-up o nagsisimula pa lang na mga kumpanya ay kailangan ng panahon para matukoy ang mga bubuhusan nila ng investment.
Mula aniya nang maisabatas ang pagbuo ng MIF ay nasa anim hanggang pitong buwan pa lang nag operate ang MIC.
Ayon kay Recto, sa ngayon ay kumpleto na ang board ng MIC na binubuo ng Development Bank of the Philippines (DBP), Landbank, Department of Finance (DOF), at pribadong sektor.
Nakahanap na rin aniya sila ng opisina pero naghahanap pa ngayon ng mga empleyado at inaayos pa ang mga ipapasweldo sa mga magiging empleyado ng MIC.
Nilinaw rin ng kalihim, na walang ilalaang pondo para sa Maharlika fund sa ilalim ng panukalang 2025 national budget.
Naka-invest na rin aniya ngayon ang P75 billion na seed fund ng MIF sa national treasury, na nagmula sa Landbank at sa DBP, at ang interes nito ang gagamitin sa magiging operasyon ng MIC. | ulat ni Nimfa Asuncion