Sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis kasunod ng pananalasa ng Bagyong #CarinaPH, mahigit 100 pasyente ang natulungan ng Philippine Red Cross (PRC) sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at San Lazaro Hospital.
Ayon sa PRC, nagpadala sila ng mga medical professional at volunteer nurse sa dalawang ospital na may pinakamaraming kaso ng leptospirosis sa Metro Manila upang magbigay ng suporta.
Batay sa datos ng PRC, nasa 77 pasyente ang natulungan sa NKTI habang nasa 98 pasyente ang nabigyan ng tulong sa San Lazaro Hospital sa 12 araw na kanilang operasyon sa naturang mga ospital.
Bukod sa suporta sa mga ospital, nagbigay din ng tulong ang PRC sa mga komunidad kung saan namahagi sila ng mga medical supply at relief item sa mga naapektuhan ng bagyo.
Samantala, nagpasalamat naman si PRC Chairman Richard Gordon sa dedikasyon ng mga medical team at volunteer.| ulat ni Diane Lear