Tinatayang umabot na sa higit 161,000 litro ng langis ang na-recover ng mga awtoridad mula sa lumubog na barkong MTKR Terranova sa Bataan ayon sa pinakahuling ulat mula sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa kinontratang salvor ship na Harbor Star ay umaabot na sa humigit-kumulang 7,200 litro ng langis ang nahihigop nito kada oras mula sa lumubog na barko o katumbas ng mahigit sa 81,000 litro nitong Huwebes lamang at kabuuang 161,612 litro mula noong ika-19 ng Agosto.
Nagsagawa rin ng aerial surveillance ang BRP Sindangan gamit ang drone at gumamit ng water cannon para ikalat ang kaunting langis na nakita malapit sa lugar.
Samantala, patuloy naman ang paghahanda para sa refloating ng lumubog na MTKR Jason Bradley kung saan sa isinagawang coastline patrol ng PCG ay wala itong nakitang oil sheen. Habang nadala na ang MV Mirola 1 sa isang shipyard sa Mariveles para sa retrofitting kung saan kasama nito ang barkong BRP Panglao upang magbigay seguridad. | ulat ni EJ Lazaro