Matapos ang isinagawang imbentaryo, natuklasan ng Land Transportation Office (LTO) na mahigit 200 units ng kanilang breath analyzers ang maaari pang maayos at magamit muli.
Ito ay mula sa mahigit 700 units na binili noong 2015 at 2017 para sa implementasyon ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, inutusan niya ang paghahanap ng mga tindahan na maaaring mag-ayos at mag-calibrate ng mga natitirang breath analyzer.
Sa pagsasagawa ng unang canvassing, nalaman na ang kumpanyang nagtustos ng mahigit 600 units ng breath analyzer noong 2017 ay nagsara ilang buwan pagkatapos ng delivery, kaya’t mahirap na itong kontakin para sa recalibration.
Sinabi pa ni Mendoza, kung makakatipid sa pagbili ng bago, gagawin ito ng LTO dahil ang mga breath analyzer ay napakahalaga sa pagpapatupad ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Nabatid na ang isyu ng breath analyzer ay lumitaw matapos itong talakayin sa pagsisiyasat ng Senado. | ulat ni Diane Lear