Paiigtingin pa ng Philippine National Police – Maritime Group (PNP-MG) ang kanilang pagpapatrolya sa mga dalampasigang sakop ng bansa.
Ito’y makaraang masakote ng Pulisya ang hindi bababa sa 20 indibiduwal na sakay ng isang Malaysian fishing vessel sa karagatang sakop ng Mangsee Island sa Balabac, lalawigan ng Palawan.
Ayon kay PNP Maritime Group Director, Police Brig. Gen. Jonathan Cabal, nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga operatiba ng kanilang 2nd Special Operations Unit sa naturang lugar, nang maaktuhan nito ang iligal na aktibidad ng naturang bangkang pangisda.
Nabatid na nakarehistro sa isang Malaysian national ang naturang fishing vessel subalit ang mga tripolante nito ay pawang mga Pilipino.
Tumambad sa mga awtoridad ang nasa 60 kilo ng buhay na isdang Lapu-Lapu at nasa 350 kilo ng iba’t ibang klase ng isda kung saan, ilan sa mga ito ay pang-aquarium.
Maliban sa mga isda, nasabat din ang nasa 15 mga maliliit na bangka.
Nahaharap ang mga nahuli sa kasong Poaching salig sa Republic Act 10654 o Fisheries Code of the Philippines. | ulat ni Jaymark Dagala