Mas naghigpit ngayon ang lokal na Pamahalaan ng Malabon sa mga establisyimento sa lungsod bilang bahagi ng hakbang kontra MPox.
Sa direktiba ni Mayor Jeannie Sandoval, inatasan ang mga Sanitation Inspectors na tiyakin ang pagsunod ng mga negosyo sa mga regulasyon ng kalusugan at sanitasyon upang maiwasan ang sakit sa lungsod.
Sa naunang isinagawang inspeksyon, natukoy na 11 mula sa 52 na establisyementong nasuri mula sa iba’t ibang barangay ang nakitang may minor violations o kakulangan sa dokumento.
Kabilang dito ang kawalan ng sanitary permit, kakulangan sa health certificate ng mga staff.
Karamihan sa mga establisyimentong ito ay mga salon at spa, at massage parlor sa pitong brgy sa lungsod.
Ang mga establisyementong ito ay binigyan ng abiso upang agad na magsagawa ng kaukulang aksyon.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ang lahat ng mga negosyo na siguraduhing may kumpletong Health Certificates at Sanitary Permits upang maiwasan ang anumang multa at mapanatili ang kalusugan ng publiko.
Sa kasalukuyan, nananatiling walang kaso ng mpox sa lungsod ng Malabon. | ulat ni Merry Ann Bastasa