Ipinapanukala ngayon ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Yamsuan ang pagkakaroon ng local job facilitation offices upang tulungan ang mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) na makahanap ng trabaho at training opportunities.
Sa kaniyang House Bill 10630, ipinunto ng mambabatas ang hamong kinakaharap ng mga senior at PWD dahil sa bias bunsod ng kanilang edad at physical abilities.
Tinukoy ni Yamsuan ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 353,000 lang sa 1.9 million na PWD na nasa working age ang nakakuha ng trabaho noong 2022.
Habang sa 2.54 million qualified senior citizens, 965,200 lang ang nakapasok sa trabaho.
Salig sa panukala, inaatasan ang DOLE na magtatag ng Local Centers for Inclusive Employment (LCIEs), sa hiling ng LGU, sa mga strategic area sa kanilang nasasakupan.
“Alam naman po natin na kahit may mga polisiya na tayo na layuning maging pantay ang oportunidad sa trabaho para sa mga kwalipikadong seniors at PWD, hirap pa rin ang karamihan sa kanila na makahanap ng maayos at disenteng hanapbuhay. Nanatili pa rin ang diskriminasyon laban sa kanila at bukod pa diyan, hindi nila alam kung saang opisina ng gobyerno sila lalapit para matulungan sila sa proseso ng paghahanap ng trabaho,” sabi ni Yamsuan.
Maliban sa pagtulong sa pagkakaroon ng angkop at napapanahong trabaho, tutulungan din ng LCIE ang mga senior at PWD sa pamamagitan ng training para malinang ang kanilang kakayanan at employability.
Magtatatag din ang DOLE ng isang computerized PWD at senior citizens manpower registry. | ulat ni Kathleen Jean Forbes