Nagpasalamat si House Committee on Appropriations Vice Chair at Navotas City Representative Toby Tiangco sa Department of Budget and Management (DBM) matapos mailabas na ang pondo para sa hindi pa nabayarang cash grant ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sakop ng P5 billion na dagdag pondo ang late payment sa mga 4Ps beneficiaries dahil sa nangyaring deactivation o suspension ng may 703, 888 na house hold beneficiaires.
“Malaking tulong po sa ating mga kababayan ang dagdag na budget na ito para sa mga 4Ps beneficiaries. Pinapakita lamang nito na seryoso ang administrasyong Marcos sa pagbibigay serbisyo at tulong sa ating mga kababayang nangangailangan,” sabi ni Tiangco.
Umaasa naman ang mambabatas na magiging tulay ang karagdagang pondong ito para mas maraming pamilyang Pilipino pa ang matulungan ng 4Ps program.
Nangako rin ang Navotas solon ng buong suporta para masigurong may sapat na pondo ang ayuda programs sa 2025 national budget.
Dapat din aniya na mapag-aralan kung papaano pa mapapalawak ang iba’t-ibang cash aid programs para mabigyan ng karampatang pondo ang mga programang makakapag-angat sa kanila sa kahirapan.| ulat ni Kathleen Forbes