Itinutulak ngayon ni Marikina 1st District Representative Marjorie Ann Teodoro ang panukalang batas na layong magtatag ng isang National Autism Care Plan sa Pilipinas.
Sa paraang ito, ang mga persons with autism (PWA) ay mabibigyan ng parehong antas ng pangangalaga at atensyon na ibinibigay sa mga persons with disabilities (PWD).
Oras na maging ganap na batas, magpapatupad ng komprehensibong plano sa pangangalaga, early detection ng autism, at pagbibigay ng early intervention sa mga PWA.
Titiyakin din aniya nito na ang sistema ng edukasyon sa bansa at iba pang mga tagapagbigay ng serbisyo ng gobyerno ay may kagamitan at kasanayan upang pangasiwaan ang mga mag-aaral na kabilang sa spectrum.
Sinabi pa ni Teodoro, maraming PWA ang may kakayanan na mabuhay independently at functional, subalit, marami ring PWA ang nangangailangan ng suporta, pangangalaga, at atensyon mula sa gobyerno
Batay sa datos ng Autism Society of the Philippines, mayroong humigit-kumulang 1.2 milyong Pilipino sa autism spectrum, at 1,713 sa kanila ay nakarehistro sa Marikina City. | ulat ni Kathleen Jean Forbes