Kinilala ni Appropriations Senior Vice Chair at Marikina Rep. Stella Luz Quimbo ang malaking ambag ng Department of Labor and Employment sa pagpapalakas ng ekonomiya, lalo na sa pagbawas ng unemployment rate.
Ayon kay Quimbo, ang pagbaba ng unemployment rate mula 4.5% noong Hunyo 2023 patungong 3.1% ngayong Hunyo 2024 ay isang patunay ng epektibong pagpapatupad ng mga programa ng DOLE para sa mga manggagawang Pilipino.
Ngunit binigyang diin din niya na mahalaga ring maramdaman ng mga tao ang mga tagumpay na ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay — ibig sabihin, kasabay ng numero ay dapat may pagbabago sa komunidad, lalo na sa mga mahihirap.
Pinuri din ng mambabatas ang TUPAD program na nakapagbigay ng emergency employment sa 6.55 milyong displaced at disadvantaged workers mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2024.
Samantala, hinimok ni Quimbo na patuloy na pagtutok ng DOLE upang masigurong ang mga tagumpay na ito ay maramdaman ng bawat Pilipino, lalo na ang mga mahihirap. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes