Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na sumasailalim ngayon sa masusing review ang Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP), na inisyatibo ng pamahalaan para mapataas ang produksyon ng palay sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., isang komprehensibong pag-aaral ang ginagawa ngayon ng kagawaran para masigurong magreresulta ang MRIDP sa mataas na produksyon at kita para sa mga magsasaka.
Sa ilalim ng programa, nais ng Kagawaran na makabuo ng mga de-kalidad na binhi ng palay, mapabuti ang paggamit ng mga pataba, at mag-develop ng isang logistics network upang mas mabilis at mas mura na madala ang ani sa merkado at ang mga input sa mga bukirin.
Kasama rin sa plano ng DA ang mapalawak ang irrigation systems at maipatupad ng mas maayos ang adjustments sa iskedyul ng rice cropping.
Ayon sa kalihim, oras na maging matagumpay ang MRIDP, posibleng pumalo pa sa 25 milyong metriko tonelada ang maging annual palay production ng bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa