Sinabi ni Senate Committee on Ways and Means Chairperson at Senador Sherwin Gatchalian na hindi gaanong kalakihan ang mawawalang kita ng gobyerno sa pagbabawal ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ayon Gatchalian, batay sa aktwal na revenue collection na iniulat ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang mga POGO ay nakapag-remit lang ng kabuuang P10.32 bilyon habang ang Philippine Gaming and Amusement Corporation (PAGCOR) ay kumita lang ng P5.17 bilyon noong 2023.
Samantalang tinatayang ang inaasahang magiging koneksyon ng BIR mula sa mga POGO ngayong taon ay aabot lamang sa P16.08 bilyon habang ang PAGCOR ay inaasahang kikita lang ng P5.95 bilyon.
Sa datos naman na nakuha ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa PAGCOR, nasa 25,064 ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga POGO.
Tiniyak din ng senador na magpupursige ang Senate Committee on Ways and Means na isulong ang isang batas para masigurong magpapatuloy ang pagbabawal sa mga POGO kahit matapos ang termino ng kasalukuyang administrasyon.
Binigyang diin din ng senador na kritikal ang papel ng local government units (LGUs) sa epektibong pagpapatupad ng pagbabawal sa mga POGO. | ulat ni Nimfa Asuncion